MGA TULA NG MAUBANIN

BLANGKO
(Nasaan ka, kayumanggi?)

ni EMMANUEL I. DERECHO

 

I
Ha ha ha, ano ba itong mga nakikita ko,
Nang buksan ang telebisyon ang itsura ng mga tao,
Para bang may kakaiba, may nakakatawang totoo,
Sa dati kong nakagisnan, para bang nakalilito.


II
Sa salita ay masasabi mong siya ay Pilipino,
Kilos, maari, at pati na yaong tono,
Pero bakit kulay niya ay para ng sa Amerkano,
Hindi na kayumanggi na siyang tatak ng lahi ko.


III
Ito ang epekto ng makabagong siyensya,
Ang bumabago sa mundo pati kulay ng balat niya,
Pinalalaya ang hilig ng may nasa at may pera,
Kahit pa itsura niya ay sadyang maging ibang-iba.


IV
Kakaiba ka sa lahi ng mga kayumanggi,
Sariling kulay ay itinakwil, mas maputi ka pa kaysa puti,
Ano nga ba namang masama sa dugo nitong lipi,
At nakuhang iwanan sa gitna ng pighati.


V
Isinisigaw mo sa lahat...’’Ako ay Pilipino’’,
Isinisigaw mo sa lahat...’’Ito ang wika ko’’,
Isinisigaw mo sa lahat...’’Ito ang lahi ko’’,
Pero pagdating sa kulay, bakit ito ay naging blangko.


VI
Sigurado ka ba na wala iyang ibang epekto?,
At ginawa mo itong para ng isang bisyo,
Pero sigurado akong pag iyan ay inihinto mo,
Babalik at babalik ang kulay mo na mahal ko.


VII
Kailan mo ba ititigil ang mga bagay na iyan?,
Pag ang bulsa mo ba ay wala ng laman, kaibigan,
Dugo mo ba ay kaya nitong iligaw ng daan?,
Ibaon ang kulay mong kayumangging kaligatan.


VIII
Nang isilang tayo ay may kanya-kanya tayong kulay,
Para umikot ang mundo sa pag-usbong nitong buhay,
Ipagmalaki mo ang sa iyo at sa kanila ay ihanay,
At taas noo mong sabihin na ‘’Ito ay ako, ako itong
tunay’’


-wakas-

 

Read 853 times

About Author

Login to post comments

Archive