AGOSTO 2013: BUWAN NG WIKANG PAMBANSA TEMA: Ang Wika Natin ay Wika ng Katarungan at Kapayapaan

by Emily D. Rudd

 

Sa buwan ng Agosto, 2013, ayon sa Pamahalaan ng ating Konsulado Heneral sa Sydney, ating ipagdiwang ang Wikang Pambansa. Para sa akin, ito ay mahalaga sa aking pagiging guro na may pagkakaugnay sa mababang paaralan ng New South Wales. Sa mga nakaraang taon na ako ay naglilingkod sa ibat-ibang paaralan sa ating pook, mayroong bahagi sa ating paksa sa pagtuturo na magdagdag ng topiko na pag-aaral ng ibang sining o bansa. Ang aking inspirasyon sa mga araw na pagtuturo ay makibahagi sa aking mga estudyante ng leksiyon ng Panitikan, Sining, Sayaw o Musika ng ating bansang Pilipinas.


Sa ating kultura, marami tayong maipapakita sa mga ibat-ibang dayuhan sa Australia. Dito lang sa Lungsod ng Gosford na tinitirhan ng mga dalawang libong Pilipino, marami tayong mga pangkat na nagsusuporta sa mga kilos ng pamahalaan ng Gosford at Wyong. Ganoon din sa Sydney. Ako ay kasapi ng Philippine Community Council, Filipino Ministerial Consultative Committee, FAME, ILOCANO Ass., at iba pa, at marami akong maibahagi sa ating mga kababayan na karanasan para makatulong kahit na maliit lang sa ating buhay sa Australia. Sa ating panitikan, sining, palakasan, musika at mga gawain na ating “abuloy” sa kaunlaran ng bansang Australia, tayo na may pagmamalasakit sa kabutihan ng bago nating bansa, ang Pamahalaang Australyano ay nagiging mas mayaman dahil sa ilang libong Pilipino na nakatira dito. Mayaman ang ating kultura, at dapat tayo ay magtaas ng noo na magbigay ng ating bahagi para sa masayang pakikihalubilo sa ibat-ibang tao.


“Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, di makararating sa patutungohan.”
Sa ngayon, ako ay saglit na magninilay sa aking buhay. Ang bayan kong Pilipinas ang naging inspirasyon ko sa aking paglaki. Ang aking mga adhikain o mga pangarap sa buhay na nagmula pa noong bata ako at lumalaki sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur . Ito ay nagmula sa aking minamahal na mga magulang, pamilya at mga kababata. Sa mula’t mula pa ay may liwanag na sa akin ang mga iba’t-ibang bansa sa kabilang dagat. Naging masigasig ako sa aking pag-aaral, at nagkaroon ako ng matatag na pangkat ng kaibigan na naging gabay ko sa aking hamak na buhay.


Ang aking karaniwang buhay na paglakad papunta sa paaralan at simbahan sa bayan, ay naging pang-araw araw na gawain noon, kasama ko ang aking nakababatang kapatid na si Antonio at mga pinsan at mga tiyahin at sina Lola Maria Acosta at Maria Dingle. Kami ay malapit na pamilya at ang una kong karanasan ay mga masasayang sandali. Nagpunta din kami sa bukid ng aming pamilya at doon ko namalayan ang kahirapan na nadanas ng aking mga ninuno at mga kapitbahay na maghanap buhay. Sa hirap at ginhawa, ang buhay namin ay matagumpay at masaya dahil sa bukal na kabutihan ng lahat . Kami ay lumaki na napaligiran ng pagmamahal at pagsusumikap na matamo ang aming mga pangarap. Kaya ako ay nagpapasalamat sa pamilya Acosta at Dingle na sa lahat ng araw na kami ay lumalaki, ay nandoon sila na malakas na bantayog sa aming pamilya.


Sa ngalan ng aming mga ninuno, pamilya at mga kaibigan, ako ay nagtagumpay sa aking mga layunin sa aking buhay. Nang ako ay nagpasiya na mangibang bansa, sa aking puso ay nanatili ang dakilang sumpa, na saan man ako naroroon, ako ay manatiling gabay ng kabutihan, katarungan at kapayapaan. Ako ay nagpapasalamat sa pundasyon ng aking buhay.


Itinuturing ko rin na sa aming pamilya, aming pasalamatan ang aming mga magulang na sina Fortunato Lomboy Dingle (Seng-ngat, Sudipen, La Union) at Felicidad Acosta Dingle (Lacong, Tagudin, Ilocos Sur) ...(SLN) na nagsumikap upang kaming limang magkakapatid ay maging matagumpay at masaya sa kasalukuyan naming buhay dito sa Australia. Ang kanilang abang pangarap upang makaahon sa buhay ay naging gabay naming magkakapatid na magpunta sa ibang bansa upang makamtan namin ang sagot ng mga dasal at kanilang adhika!


Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Wikang Pambansa!

 

 

 

Read 943 times

About Author

Login to post comments

Archive